Home NATIONWIDE National ID nangunguna sa listahan ng valid IDs – BSP

National ID nangunguna sa listahan ng valid IDs – BSP

MANILA, Philippines – Inatasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga banko at iba pang BSP-supervised financial institutions (BSFIs) na ilagay sa unahan ng listahan ng acceptable valid IDs ang Philippine identification card (PhilID).

Sa pahayag nitong Miyerkules, Marso 13, sinabi ng BSP na dapat ay siguruhin ng lahat ng BSFIs ang malawak na pagtanggap sa PhilID, ito man ay physical card o ePhilID, bilang ‘valid’ at sapat na patunay ng pagkakakilanlan at edad ng isang tao sa lahat ng kanyang financial transactions, subject to authentication.

“BSFIs may use the PhilSys Check identity authentication tool to verify if the data stored in the QR (quick response) code match the information printed on the face of the ID,” anang BSP.

Naglabas ang Central Bank ng Memorandum 2024-006 noong Pebrero 15 na nag-oobliga sa lahat ng BSFI na idisplay ang listahan ng acceptable valid IDs sa lahat ng mga counter at public entrance ng mga establisyimento, maging sa kanilang mga official website, social media pages, at iba pang consumer information channels at promotional materials.

Inatasan din ang lahat ng BSFI na ipakalat ng husto ang memorandum sa lahat ng mga tauhan at mga branch.

Ang pinakahuling memorandum ng BSP ay bahagi ng nagpapatuloy na programa na siguruhing epektibo ang implementasyon ng Philippine Identification System (PhilSys). RNT/JGC

Previous article2 babae tiklo sa pagpuslit ng P1.3M shabu sa kulungan sa Antipolo
Next articleSunog sumiklab sa PGH