MANILA, Philippines – Inilunsad ng gobyerno ang nationwide cleanup drive na tinatawag na “Kalinga at Inisyatiba Para sa Malinis na Bayan” o programang Kalinisan, na nakatuon sa muling pagbuhay at pagpapanibago ng “bayanihan spirit” ng mga Pilipino sa pagsugpo sa solid waste.
Pinangunahan nina Interior Secretary Benhur Abalos at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes ang cleanup drive sa Baseco Compound, Manila
Sa kanyang talumpati, hinimok ni Abalos ang publiko na makipagtulungan sa gobyerno sa pagpuksa ng basura, at sinabing panahon na para maging disiplinado ang mga Pilipino sa paglilinis ng paligid.
“Tututukan talaga namin ito. Ano ang magagawa natin? Spirit of volunteerism. Napaka-importante niyan,” sabi ni Abalos.
Giit ni Abalos, dapat ay hindi lamang sa Ngayon kundi maski saan mapunta ay malinis ang paligid.
Base sa datos ng gobyerno, sinabi ni Abalos na ang isang karaniwang Pilipino ay gumagawa ng halos isang kilo ng basura araw-araw, na karamihan ay itinatapon sa mga kanal at daluyan ng tubig.
Ayon sa interior department, layunin ng programa na pagsamahin ang mga programa ng ahensya sa pamamagitan ng solid waste management, community gardening, at cleanup drives.
Paparangalan ang mga barangay, munisipalities at probinsya na may pinakamalinis na kapaligiran base sa criteria na ilalabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Daan-daang volunteers mula sa Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Pantawid Pamilyang Pilipino Program, at Barangay ng Baseco Compound ang nakiisa sa aktibidad. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)