Home NATIONWIDE Nat’l budget kinokontrol ng 2 house leaders – VP Sara

Nat’l budget kinokontrol ng 2 house leaders – VP Sara

MANILA, Philippines – PINANGALANAN ni Vice President Sara Duterte sina House Speaker Martin Romualdez at House Committee on Appropriations Chairman Ako-Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co bilang dalawang mambabatas na kontrolado ang kaban ng bayan.

Nakikialam din ang mga ito ayon kay VP Sara sa budget ng Department of Education para sa ‘classroom construction.’

Ipianaliwanag ni VP Sara na isa sa mga dahilan kung bakit siya nagbitiw bilang Kalihim ng DepEd ay dahil sa pakikialam ng dalawang mambabatas sa budget ng departamento.

“Ang budget ng Pilipinas ay hawak lang ng dalawang tao. Hawak lang siya ni Cong. Zaldy Co at ni Cong. Martin Romualdez. ‘Yan ang katotohanan,” ayon kay VP Sara.

Sinabi pa ni VP Sara na nakialam din ang dalawang mambabatas na ito sa budget ng DepEd noong 2023 at 2024, dahilan para magbitiw siya bilang Kalihim ng departamento dahil ayaw niyang managot para sa mga ito.

“So, dagdag ko lang ‘yan doon sa confirmation na kinuha nila ‘yung budget ng DepEd. At isa ‘yan sa mga rason kung bakit ako nag-resign sa Department of Education,” ang sinabi ni VP Sara.

Matatandaang, nag-alsa balutan si VP Sara at iniwan ang gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong nakaraang Hulyo.

“Hindi na ako papayag na sa susunod na taon ganyan pa rin ang gawin nila at ako ‘yung mananagot sa ginagawa nila,” aniya pa rin.

Ipinaliwanag pa nito na noong 2023, mayroon na aniyang alokasyon na P5-billion para sa classroom construction, at idinepensa niya ito mula sa ‘unnamed lawmaker’ na humirit ng “cut” sa pondo.

“Pero noong lumabas yung GAA o yung budget approved noong 2023, naging 15 billion siya dahil hindi nga ako pumayag na kunin ‘yung five billion, dinagdagan nila ng 10 billion ‘yung classroom construction ng Department of Education,” ang sinabi ni VP Sara.

Gayundin aniya ang nangyari sa budget ng DepEd para sa classroom construction noong 2024, nagkakahalaga naman ng P19 billion.

Aniya, naging P24 billion ito sa ilalim ng GAA, isiniwalat ni VP Sara na ang karagdagang P5 billion ay nagmula sa P6.5-billion para sa classroom rehabilitation, nag-iwan ng P1.5 billion para ayusin ang mga silid-aralan.

Inamin ni VP Sara na ang karanasan niyang ito ang dahilan ng kanyang pagtalikod para idepensa ang budget ng Office of the Vice-President (OVP) para sa susunod na taon dahil sa huli aniya ay ang dalawang mambabatas na ito ang magdedisyon sa pag-apruba ng budget. Kris Jose