NAGA, Cebu – Patay ang mag-ama matapos silang pagsasaksakin habang natutulog ng kanilang kapitbahay sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Inayagan noong madaling araw ng Linggo, ayon sa pulisya.
Sugatan din ang ginang ng tahanan matapos niyang tangkaing pigilan ang pananaksak.
Base sa imbestigasyon, lumalabas na may nauna umanong alitan ang 27-anyos na suspek at isa pang anak ng pamilya na biktima.
Ayon sa imbestigasyon, nag-inuman muna ang suspek at ang anak ng biktima bago ang insidente. Nauwi ito sa pagtatalo hanggang sa suntukin ng anak ang suspek.
Hindi umano nakaganti ang suspek sa oras na iyon kaya nagtungo ito sa bahay ng mga biktima at doon pinagbalingan ng galit ang natutulog na mag-ama, na parehong sinaksak sa dibdib.
Nasugatan din ang ina ng pamilya habang sinusubukang ipagtanggol ang kanyang asawa at anak.
Tumakas ang suspek matapos ang krimen ngunit kalaunan ay naaresto rin ng mga awtoridad. Narekober din ang patalim na ginamit umano sa pananaksak.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang suspek na haharap sa kasong two counts of murder at frustrated murder. Mary Anne Sapico