Home METRO Nawawalang dalagita tinortyur muna bago pinatay!

Nawawalang dalagita tinortyur muna bago pinatay!

BACOLOD CITY- Pinahirapan muna bago pinaslang ang nawawalang 15-anyos na babae mula sa lungsod na ito, batay sa autopsy result na ipinalabas nitong Martes.

Sinabi ni Police Capt. Rosinie Cabuena, deputy chief ng La Carlota City Police Station sa Negros Occidental, nagtamo umano ang 15-anyos na biktima ng blunt trauma sa ulo, leeg,  dibdib, tiyan, at upper at lower extremities ng kanyang katawan, na ikinasawi nito.

Lumabas ang autopsy result dalawang linggo matapos matagpuang walang buhay ang isang Grade 10 student mula sa Barangay Sum-ag sa lugar na ito sa isang tubuhan sa Barangay Cubay noong Agosto 14.

Subalit, sinabi ni Cabuena na hindi matukoy kung mayroong sexual assault, dahil paagnas na umano ang bangkay nang matuklasan ito.

Iniulat ng pamilya ng biktima ang pagkawala nito sa Police Station 9 sa lugar na ito noong Hulyo 30, isang araw matapos huli siyang makita na pumasok sa half-day class sa kanyang paarlaan.

Kamakailan ay lumitaw ang amain ng biktima upang linawin ang mga alegasyon na nag-uugnay sa kanya sa insidente at humiling ng protective custody sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Bacolod. 

Iginiit niyang inosente siya at humarap lamang dahil sa pag-aalala sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya.

Aniya, nasa Iloilo siya nang matagpuang patay ang kanyang stepdaughter, kasunod ng away nila ng kanyang kinakasama, ina ng biktima, subalit iginiit na patuloy pa rin ang komunikasyon nila sa isa’t isa.

Tinukoy ng National Bureau of Investigation (NBI)-Bacolod, nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon, ang amain bilang person of interest subalit kamakailan ay pinangalanan itong suspek, batay umano sa mga ebidensyang nag-uugnay dito sa krimen.

Sa kabila ng pagpapakita ng amain, sinabi ni Cabuena na hindi nila inaalis ang posibilidad na may iba pang indibidwal na sangkot sa krimen.

“We’re working hard in coordination with Police Station 9 to be able to identify the suspect and other possible perpetrators involved based on evidence,” dagdag niya.

Nag-alok si Mayor Albee Benitez ng P50,000 cash reward para sa anumang impormasyong magreresulta sa pagkakaaresto ng salarin. RNT/SA