BENGUET-WALANG saplot nang mahukay ang bangkay ng isang babaeng kawani ng University of the Philippines-Diliman na 5-buwan nang nawawala, iniulat kahapon sa bayan ng Tuba.
Base sa report ng National Bureau of Investigation-National Capital Region, naniniwala silang nakaranas na matinding hirap bago bawian ng buhay ang biktimang si Irene Melican, 35-anyos, dahil sa mga tinamo nitong pinsala sa ’ba’t ibang parte ng katawan.
Matatandaan na noong June 2024, inaresto ng mga ahente ng NBI ang 38-anyos na nobyo ng biktima na pangunahing suspek dahil ito ang huling kasama bago mawala si Melican.
Sa pagsalakay ng NBI sa bahay ng suspek sa Pateros, narekober ang SUV, credit card, cellphone at iba pang mahahalagang gamit ng biktima.
Ayon kay NBI-NCR Regional Director Ferdinand Lavin, kinuhanan ng DNA test ang labi ng biktima at nag-match ito base sa mga ibinigay na mga sample ng magulang nito.
Base sa CCTV nakita magkasama ang biktima sa suspek sa SUV sa Agoo, La Union bago umakyat ng Benguet.
Nakatutok ngayon ang NBI sa kaso ni Melican para malaman kung saan ito eksaktong pinatay, mga kasabwat ng nobyo nito at kanilang motibo sa karumal-dumal na krimen./Mary Anne Sapico