Home HOME BANNER STORY Pinas ‘di pa rin makikipagtulungan sa ICC – PBBM

Pinas ‘di pa rin makikipagtulungan sa ICC – PBBM

MANILA, Philippines – NILINAW ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa anumang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) ukol sa illegal drug campaign ng nakalipas na administrasyon maliban na lamang kung gusto ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Well, as the comment of the Executive Secretary, the former Chief Justice, if ‘yun ang gugustuhin ni PRRD ay hindi naman kami haharang doon sa mga ICC. Hindi lang kami tutulong. Ngunit kung pumapayag siya na makipag-usap siya o magpa-imbestiga siya sa ICC ay nasa kanya ‘yun. Wala na kaming desisyon doon,” ang sinabi ni Pangulong Marcos tinukoy si Duterte.

Ipinahayag ito ng Punong Ehekutibo sa sidelines ng aid distribution sa mga magsasaka at mangingisda sa Cavite at hiningan ng komento para sa sinasabing ICC probe sa madugong drug war ng administrasyong Duterte.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na iniimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) anti-drug campaign ng dating administrasyon.

Sa katunayan, hinihintay na lamang ng mga awtoridad ang findings ng imbestigasyon. Marami pa aniyang mga tanong na hindi nasasagot.

Winika pa ng Chief Executive na ang Department of Justice (DOJ) ang magiging responsable sa pagpapatuloy ng reexamination ng kaso, mga pahayag at testimonya.

“But you know, all of the testimony that was given yesterday really – will be taken in and will be assessed to see what – in legal terms, what is the real meaning and consequence of some of the statements made by PRRD,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“Now, if that will result in a case being filed here in the Philippines, we will just have to see. The DOJ will have to make that assessment,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

At sa tanong naman kung nagbago na ang posisyon ng Pilipinas sa ICC probe, nananatiling naninindigan si Pangulong Marcos na ang Pilipinas ay hindi makikipagtulungan sa anumang imbestigasyon ng international court.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na susunod ang Pilipinas sa obligasyon nito sa Interpol. Kris Jose