MANILA, Philippines – Natagpuang palutang-lutang sa Bantayan, Cebu ang katawan ng mangingisda mula sa Negros Occidental na napaulat na nawawala.
Matatandaan na nahulog umano sa dagat ang mangingisda habang natutulog sa kanyang bangka.
Ang nasawing mangingisda ay kinilalang si Leo Legario Brosas, 24-anyos, kasal at residente ng Victorias City, Negros Occidental.
Nakatanggap ng tawag ang Bantayan police bandang ala-1 ng hapon nitong Martes, Agosto 6 tungkol sa nagpapalutang-lutang na bangkay sa dagat na sakop ng naturang bayan.
Kasama ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Office sa Bantayan, Cebu at Bantayan Coast Guard Sub-Station, rumesponde ang pulisya sa naturang ulat.
Gumamit ng tatlong bangka ang mga awtoridad para maiahon ang bangkay mula sa dagat.
Isinagawa ang physical examination sa bangkay ng mangingisda at hindi nakitaan ng foul play.
Sa pagsusuri ng doctor, nasawi ang biktima dahil sa asphyxia sanhi ng pagkalunod.
Positibong kinilala ng asawang si Eunese Perez Broza ang pagkakakilanlan ng mangingisda dahil sa tattoo nito sa kaliwang braso. RNT/JGC