MANILA, Philippines – Natagpuang patay si Juljirri Aggong, isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia, matapos maiulat na mawala ng apat na araw.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), nabiktima siya ng hit-and-run noong Hunyo 11 sa King Salman Eastbound Road sa isang lugar na hindi para sa pedestrian.
Natukoy na ang sasakyan at ang driver. Humihingi ngayon ang OWWA ng CCTV footage at may abogadong tumutulong sa kaso sa Riyadh.
Tubong Jolo, Sulu si Aggong at anim na buwan nang nagtatrabaho bilang office at facility cleaner sa Riyadh.
Ayon sa kanyang pamilya, mabuting tao siya at nagtrabaho sa abroad para matulungan ang kanyang mga mahal sa buhay.
Inilibing siya sa Riyadh ayon sa tradisyong Muslim.
Nangako ang OWWA na itutuloy ang kaso upang makamit ang hustisya. RNT