Home NATIONWIDE Suspek sa ‘missing sabungeros’ case lumantad

Suspek sa ‘missing sabungeros’ case lumantad

MANILA, Philippines – Lumantad ang isa sa mga suspek sa kaso ng mga nawawalang sabungero noong 2021 at nagpahayag ng kagustuhang tumestigo sa korte.

Gamit ang alyas na “Totoy,” sinabi niyang hindi na siya matahimik sa konsensiya at nakatanggap na rin siya ng mga banta sa buhay ng kanyang pamilya.

“Hindi na kaya ng konsensiya ko, sa mga magulang na nawalan. Pangalawa, ako na ang pinag-interesan. Buong pamilya ko, gusto nang patayin,” ani Totoy.

Nilinaw niyang hindi siya kabilang sa dalawang lalaking nakita sa video na humahatak sa isang sabungero na nakaposas sa Santa Cruz, Laguna.

Ayon sa kanya, ang mga lalaking may alyas na “Toto” at “Dodong” ang driver at security.

Kinilala naman ang sabungerong nakaposas bilang si Michael Bautista, na umano’y pinarusahan dahil sa panlilinlang o “tyope” sa sabungan.

Humihingi ngayon si Totoy ng proteksyon mula sa gobyerno habang tinatapos ang kanyang affidavit kung saan ilalahad niya ang lahat ng nalalaman sa kaso.

“Ako ang susi ng lahat,” aniya. “Kahit bayaran ako, papatayin din ako. Mas mabuting sabihin na lang ang totoo.”

Ikinatuwa ng mga pamilya ng mga nawawala ang bagong impormasyon at umaasang makakamit na nila ang hustisya. RNT