MANILA, Philippines – Inilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes, Agosto 23 ang CCTV footage umaga matapos ang umano’y sexual harassment na ginawa kay Sandro Muhlach.
Makikita sa footage si Sandro na bumalik sa kanyang hotel 6:53 ng umaga noong Hulyo 21, galing sa hotel ng dalawang independent contractors ng GMA na inaakusahan sa kaso.
Napansin ng NBI ang bilis ng galaw ni Sandro at ang kanyang ‘anxious appearance’ na tila ba may bumabagabag dito.
Ani Sandro, hindi maayos ang kanyang pakiramdam at punong puno siya ng hiya at takot.
“’Yan po yung time na pumunta ko sa kanila. After po lahat nung nangyari, hindi po ako mapakali, hilong hilo po ako, sobrang sakit po ng katawan ko, kaya napaupo po ako sa floor. Hindi ko pa po alam kung anong dapat kong gawin, kung magsusumbong po ba ako sa pulis, or kung lalapit po ba ako sa pamilya ko. Naunahan na po kasi ako ng hiya at takot, kaya sinumbong ko po muna sa mga kaibigan ko,” aniya.
Itinanggi naman ng dalawang independent contractor ng GMA na may ginawa silang masama sa aktor.
Sinabi ni GMA Network Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide, and Support Group Atty. Annette Gozon-Valdes na sinuspinde na ng GMA ang dalawang independent contractors habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Iginiit nito na hindi kinukunsinti ng GMA ang sexual abuse. RNT/JGC