NAKAGUGULAT dahil hindi mo na makita ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau kapag oras de peligro na sa harapan ng Manila North Cemetery.
Dati-rati kasi, kahit alas dose na ng hatinggabi ay pawang nagkalat kundi man ay nag-umpukan sa Kanto ng Blumentritt at Dimasalang sa harap ng Caltex Gas Station ang humidity kumulang sa anim na traffic enforcer at nag-aabang ng mahuhuling driver ng trak na dumaraan sa lugar.
Ganoon din sa gawi ng R10 kung saan umpukan din ang mga tauhan ng MTPB mula pa lang umaga hanggang madaling araw. Siyempre nga naman malaki ang kanilang kinikita o prosyento sa bawat huli kaya nga sa kanila walang pasensya at patawad. Siyempre kailangan nilang kumita.
Ganoon din sa Abad Santos Avenue at sa bawat Kanto ay may nakatanim na traffic enforcer na nag-aabang sa driver na magkakamali sa pagkaliwa. Hindi rin patatalo ang mga traffic enforcer sa Taft Avenue at Rizal Avenue, pawang nag-aabang ng mga driver na didiretso bagaman naka-red light na.
Pero nakapaninibago ngayon dahil sila ay pawang maayos na at ginagawa na ang kanilang trabaho na iayos ang daloy ng trapiko. Hindi na sila tulad ng dati na nagtatago sa likod ng mga poste at biglang lulutang kapag may nakitang pagkakamali ang driver.
Himala nang mga himala. Ang dating mga maaangas na MTPB ay biglang “360 degrees” ang pagbabago. Anong nangyari?
May kinalaman kaya ang darating na halalan sa pagbabago bigla ng mga tauhan ng MTPB?
Maging ang mga parking sa mga lugar na dating hawak ng MTPB ay pawang barangay na ang nagpapaparada at halos hindi na masyadong nakikialam ang parking attendant ng city hall.
Ano ulit ang nangyari?
Iyan ang aalamin ng inyong Juan De Sabog. Pero bigyan ko na kayo ng clue. May kinalaman ito sa posibleng pagsabak sa eleksyon ng dating magkakamping Manila Mayor Honey Lacuna- Pangan at ex- Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Sana nga, tuloy-tuloy na ang pagbabago sa Maynila. Patungo na sana ito sa pagganda ng serbisyo sa publiko.