Home OPINION 8 SA 10 PINOY KONTRA SA PAGGAMIT NG CELLPHONE SA ISKUL

8 SA 10 PINOY KONTRA SA PAGGAMIT NG CELLPHONE SA ISKUL

IPINAAALAM ni Senator Sherwin Gatchalian na batay sa pinakomisyon niyang pagsasaliksik sa Pulse Asia, lumabas na 76% o walo sa bawat sampung Filipino adults ay pabor na ipagbawal ang paggamit ng cellphones sa mga paaralan.
Nasa 13% lamang ang hindi pumabor habang nasa 11% ang walang posisyon sa isyu.

Ang Balanced Luzon ang may pinakamalaking sumang-ayon sa pagbabawal ng cellphones, nasa 89%, kasunod ang National Capital Region na 80%, sa Mindanao ay 81%, at 61% sa Visayas.
Pagdating naman sa socio-economic classes, malaki ang suportang nakuha mula sa classes ABC, 80%, habang ang class D ay 76%, at ang class E ay 71%.

Nagtanong ang Pulse Asia sa may 1,200 adult respondents mula June 17 hanggang 24, 2024, kung saan kumuha ng 300 sa bawat geographical divisions ng NCR, Balance Luzon, Visayas at Mindanao.

Mayroon itong 95% level of confidence at margin of error na +/- 3 percent sa buong bansa.

Naniniwala si Senator Gatchalian na ang resulta ng survey ay nagpapakita ng pananaw ng nakararaming Filipino hinggil sa epekto ng paggamit ng cellphones sa mga paaralan. Itinuturo itong dahilan sa mababang performance level ng mga kasalukuyang estudyante.

Kaya naninindigan ang mambabatas na napapanahon na upang magkaroon ng batas na nagbabawal sa cellphones sa mga paaralan. Si Gatchalian ay ang chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Inihain niya ang Senate Bill No. 2706 na nagbabawal sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang senior high school kabilang ang mga guro sa pampubliko at pribadong sektor na gumamit ng cellphones sa oras ng klase.

Kasama sa mga lugar na hindi puwedeng gumamit ng cellphones ay sa loob ng silid aralan, banyo, gymnasium, kantina o cafeteria, school club rooms, swimming pools, teacher lounges, at mga opisina sa loob ng paaralan.

Maaari lamang gamitin ang cellphone sa mga itinuturing na “learning-related exceptions, health and well-being related exceptions, at managing risks.

Sa pag-aaral ng Programme for International Student Assessment (PISA) na walo sa bawat sampung Filipino na may edad 15 ay naaapektuhan ang konsentrasyon sa pag-aaral ng kanilang cellphones habang walo sa bawat sampu ang apektado naman ng cellphone ng kapwa nila kamag-aral.

Matatandaan na maging ang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ay naglabas na rin ng rekomendasyon sa member nations na ipagbawal ang cellphones sa mga paaralan.