MANILA, Philippines – Nagpasa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng karagdagang ebidensya kasabay ng preliminary hearing sa murder complaints sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay Department of Justice spokesperson Mico Clavano nitong Martes, Hulyo 4, kabilang sa karagdagang ebidensya na ipinasa ay mga larawan at video na mas tumutukoy sa mga akusado sa pinangyarihan ng krimen at sumusuporta sa testimonya na kanilang ibinigay bago bumaliktad ang mga ito.
“These will automatically support ‘yung original statement nila na sila ‘yung nandoon mismo sa scene of the crime, doon po sa Pamplona,” sinabi ni Clavano.
“And these recantations are just statements being taken back. But to put them up against actual object evidence such as pictures and videos will be hard for them to defend. So ito po ‘yung sinubmit nilang additional evidences,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa opisyal, nagpasa na rin ang NBI ng mas malinaw na kopya ng mga ebidensya na nauna nang naipasa.
Ang imbestigasyon ay may kaugnayan sa multiple murder complaints na inihain laban kay suspended Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. at iba pa dahil sa pagpatay kay Degamo.
Noong nakaraang linggo, pinanindigan nina Romel Pattaguan, Dahniel Lora, Osmundo Rivero, Joven Javier, at Rogelio Antipolo ang pagbawi nila ng mga naunang testimonya.
Sa pagdinig naman nitong Lunes, Hulyo 3, pinagtibay din ng mga akusadong sina Winrich Isturis, Joric Labrador, Benjie Rodriguez, Eulogio at John Louie Gonyon ang pagbawi nila ng testimonya. RNT/JGC