MANILA, Philippines – Nanawagan ang National Bureau of Investigation kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na mapayapang sumuko sa mga awtoridad kaugnay ng warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, bilang dating law enforcement official ay nauunawaan umano ni Dela Rosa ang kahalagahan ng pagsunod sa warrant of arrest.
“Well, pananaw po niya ‘yun na personal. Pero siya naman nanggaling sa law enforcement at naririnig din natin siguro siya na sasabihin du’n sa kanyang mga subject na huhulihin na may warrant of arrest ay kung maaari, nakikiusap ako na payapa ka nang sumuko para wala nang kaguluhan,” ani Matibag sa panayam sa “Unang Balita.”
“Kasi isa ‘yang mandato galing sa competent court, ‘yung warrant of arrest na kailangan nating respetuhin,” dagdag niya.
Binalaan din ni Matibag na magpapatuloy ang pagtugis ng mga awtoridad kung hindi susuko si Dela Rosa.
“Ngayon kung hindi siya susuko, mangyayari talaga ‘yan. Merong habulan na mangyayari pa rin lagi. Kasi ‘yun ang gawain ng law enforcement – to enforce the warrant of arrest,” aniya.
Kinumpirma rin ng NBI chief na sinubukan ng kanilang mga ahente na isilbi ang ICC warrant laban kay Dela Rosa sa Senado noong Lunes ngunit nabigo matapos tumakbo ang senador patungo sa session hall at kalauna’y isinailalim sa protective custody ng Senado.
Sinabi ni Matibag na wala nang naka-deploy na NBI agents sa Senado noong Miyerkules ngunit nananatiling aktibo ang warrant laban kay Dela Rosa.
“Du’n po sa ganang warrant, live po ‘yon. Buhay po ‘yung warrant pero sa ngayon po ang direction muna namin, temporarily we are not executing or enforcing the warrant of arrest,” aniya.
Itinanggi rin niya na nagkaroon ng wrestling o pisikal na komprontasyon sa insidente ngunit iginiit na itinulak umano ni Dela Rosa ang isang babaeng ahente ng NBI habang tumatakas.
“Ang hindi naipakita diyan yung tinackle ni Senator Bato yung aming babaeng ahente na kasama dun sa nag-e-enforce ng warrant eh… Tinackle niya. Tinulak niya,” sabi ni Matibag.
Nanawagan din ang NBI chief na ilabas ang buong CCTV footage sa loob ng Senado kaugnay ng insidente. Dave Baluyot