MANILA, Philippines – Napag-alaman ng mga awtoridad na si Shiela Guo, kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ay isang Chinese citizen na nagngangalang Zhang Mier na nakakuha ng pasaporte sa maling pamamaraan.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago, lumabas sa fingerprint analysis na si Guo at Zhang Mier ay parehong tao.
Zhang Mier ang pangalan na lumabas sa kanyang Chinese passport na narekober sa kanyang pag-iingat nang dalhin ito at kasamang si Cassandra Li Ong sa kustodiya ng Indonesian authorities.
“There was a comparative fingerprint analysis between Shiela L. Guo and Zhang Mier. The comparative fingerprint analysis showed that the Chinese Zhang Mier and Shiela L. Guo are one and the same person,” ani Santiago.
“We can conclude na si Shiela L. Guo ay isang Chinese,” dagdag pa.
Sumailalim si Guo sa inquest proceedings nitong Biyernes, Agosto 23 sa NBI headquarters sa Maynila, isang araw matapos siyang dalhin pabalik ng Pilipinas ng mga awtoridad mula sa Indonesia kasama si Ong.
Si Guo at Ong ang authorized representative ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm na ni-raid sa Porac, Pampanga.
Ang dalawa ay nahaharap sa reklamong may kinalaman sa obstruction of justice, pagtatago ng isang pugante, at paglabag sa Philippine Passport Act.
Bagama’t bailable ang kanilang mga kaso, napag-alaman sa report na posibleng hindi agad mapalaya sina Guo at Ong dahil sa arrest warrants na inisyu ng Senado at Kamara.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), posibleng makasuhan si Guo dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Law sa umano’y misrepresentation niya bilang isang Filipino citizen.
“We already conducted an inquest on Shiela Guo and the charge is the misrepresentation as a Filipino citizen, [and] fraudulently acquired Philippine passport because mayroon siyang Chinese passport… that we were able to get nu’ng mahuli siya sa Indonesia,” sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.
Wala pang tugon sina Guo at Ong kaugnay nito. RNT/JGC