MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police na gagamitin nito ang mga camera para sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mas mabilis pang response time sa mga krimen sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan ay mayroong 21 camera na nagmomonitor sa EDSA Bus Carousel habang 162 ang nakalagay sa kabuuan ng EDSA.
Bukod sa artificial intelligence (AI), minamandohan din ng CCTV operators ng MMDA ang mga CCTV camera.
Kasabay ng pagkilala sa pagiging epektibo ng NCAP system, sinabi ni PNP chief Police General Nicolas Torre III na maaari rin itong magamit sa anti-crime efforts sa Metro Manila.
Sa demonstrasyon nitong Lunes, nakita ang two-minute response time, o isang minutong mas mabilis sa hamon ng bagong PNP chief na pagtugon sa mga krimen.
Ani Torre, itatalaga sa MMDA traffic control facility ang isang pulis na may direktang komunikasyon sa PNP command center.
“Maglalagay na kami rito ng pulis na may radyo na naka connect derecho sa ating command center so derecho dispatch na,” ani Torre. RNT/JGC