MANILA, Philippines – Ipinaliwanag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nasa kamay ng mga senator-judge kung sila ay mag-iinhibit mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ang pahayag na ito ni Escudero ay kasabay ng mga panawagan na ang ilang senador, partikular ang mga ka-alyado ni Duterte, ay dapat na mag-inhibit mula sa pagiging senator-judges sa impeachment trial.
“Generally, ang pag-recuse [o] pag-inhibit is voluntary on the part of the impeachment court judge. Nakita na nating nangyari ‘yan sa ibang impeachment na kaso,” ani Escudero sa isang pulong balitaan.
“Hindi ‘yan pwedeng ipilit sa sinuman, pabor man kay VP Sara o kontra man kay VP Sara, pabor man sa impeachment o kontra man sa impeachment,” dagdag pa.
Ayon kay Atty. Christian Monsod, isa sa mga may-akda ng 1987 Constitution, naniniwala siyang dapat mag-inhibit sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Francis Tolentino sa pag-upo bilang senator-judges dahil sila mismo ang humiling na ibasura ang impeachment complaint laban kay Duterte.
Samantala, sinabi rin ng ACT Teachers Partylist na dapat mag-inhibit sina Senador Imee Marcos at Robin Padilla mula sa impeachment trial matapos silang pumunta sa Kuala Lumpur, Malaysia kasama si Duterte at hayagang magpakita ng suporta.
Samantala, iginiit din ni Escudero na ang impeachment court ay walang limitasyon pagdating sa trial.
“Walang limitasyon ang impeachment court kaugnay ng pwede o hindi naming pwedeng pagpasyahan. Nakalagay nga sa Saligang Batas diba, sole power to try and decide.”
“Sa aming rules o sa rules man rules of court walang nakasaad doon na bawal kang gumawa ng ganito o ganyan o ganoong mosyon. Lahat ng mosyon pwedeng gawin at pagbobotohan ng impeachment court. Walang limitasyon ‘yun,” pagpapatuloy niya.
Matatandaan na bumoto ng 18-5 ang Senado, na nagsisilbing impeachment court, noong nakaraang linggo para ibalik ang articles of impeachment ni Duterte sa Kamara.
Noong Pebrero 5 naman, inimpeach ng Kamara si Duterte sa mahigit 200 mambabatas na nag-endorso ng reklamo.
Agad ding ipinadala sa Senado ang articles of impeachment sa kaparehong araw ngunit hindi natalakay dahil sa pag-adjourn ng Mataas na Kapulungan.
Inakusahan si Duterte ng betrayal of public trust, culpable violation of the constitution, graft and corruption, at iba pang krimen. RNT/JGC