MANILA, Philippines – Muling ipatutupad ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Manila, Muntinlupa, Parañaque, Quezon City, San Juan at Valenzuela simula Lunes, Oktubre 5.
Sa ilalim nito, ipatutupad ang standardized fines sa mga lungsod na sakop ng NCAP alinsunod sa Metro Manila Traffic Code of 2023.
Gumagamit ang NCAP ng closed-circuit television (CCTV) at high-speed cameras para sa digital recording ng mga paglabag sa trapiko.
Noong Agosto 2022, naglabas ang Supreme Court (SC) ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng NCAP ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Noong Mayo 2025, inalis ang TRO para sa mga pangunahing kalsadang sakop ng NCAP ng MMDA, ngunit hindi ang mga programa ng mga lokal na pamahalaan.
Noong Hulyo, inanunsyo ng SC na inalis na nito ang TRO at ibinasura ang consolidated petitions na kumukuwestiyon sa legalidad ng NCAP ordinances ng limang LGU.
Iginiit ng mga petitioner na nilalabag ng NCAP ang due process at Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code. Gayunman, sinabi ng SC na naitatag ng Metro Manila Council ang Metro Manila Traffic Code of 2023 matapos ipatupad ang TRO noong 2022.
Isinasabatas ng 2023 Traffic Code ang single-ticketing system sa buong National Capital Region. RNT/MDS