MANILA, Philippines – Inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes, Hunyo 16, ang website na “May Huli Ka 2.0” upang makita ng mga motorista online kung sila ay mayroong nagawang paglabag sa batas-trapiko, na hindi na kailangan pang hintayin ang pisikal na kopya ng kanilang notice of violation (NOV).
Sa press conference sa command center sa Pasig City, sinabi ni MMDA Chair Don Artes na hindi katulad sa naunang kumalat na website, ang bagong website ay mas ligtas at tumutugon sa data privacy laws.
Ang mga motorista na nais tingnan kung sila ay may pending NCAP violations ay maaaring magtungo sa https://mayhulika.mmda.gov.ph/ at ilagay ang kanilang vehicle’s license plate (o conduction sticker) number at motor vehicle (MV) file number.
Matapos nito ay i-click ang “Check” at ipapakita ng website ang listahan ng mga paglabag na nagawa ng rehistradong may-ari ng sasakyan.
“The inclusion of the MV file number is an added security and protection so that only the vehicle owners can securely check their violations under NCAP,” dagdag ni Artes. RNT/JGC