Home METRO NCR nasa heightened alert kasunod ng Marawi blast

NCR nasa heightened alert kasunod ng Marawi blast

MANILA, Philippines- Isinailalim ng Philippine National Police (PNP) ang National Capital Region (NCR) sa heightened alert kasunod ng pagpapasabog sa Mindanao State University sa Marawi City.

“Ibig sabihin 75% ng total PNP strength po natin ay expected po natin na lalabas po para ma-sustain ang police visibility and presence natin,” paliwanag ni Police Colonel Jean Fajardo, PNP information chief, sa isang ulat.

Naglagay din ng mga checkpoint sa border ng Metro Manila st Bulacan. Sa tulong ng K9 teams, pinaigting din ang seguridad sa bus terminals, malls, at iba pang mataong lugar.

Bonabantayan din ng mga awtoridad ang mga simbahan, partikular sa nalalapit na Simbang Gabi sa December 16.

“Ang mga delikadong component na nakakapinsala ay concealed po ‘yan, kaya kailangan natin ng technical services lalong lalo na ng EOD (Explosive Ordnance Disposal ) K9 units,” wika naman ni Police Lieutenant Colonel Paolo Abrazado, commander ng Quezon City Police District Station 7.

Ayon kay Fajardo, hindi dapat maalarma ang mga residente ng Metro Manila. Wala rin umanong na-monitor na anumang banta ng terorismo sa capital region, subalit iginiit na kailangang maging laerto sa gitna ng holiday rush.

“Nothing to worry … the PNP is on top of the situation.  We have not received any serious threat, particularly here in Metro Manila,” aniya.

Samantala inalis naman ng PNP ang posibilidad na suicide bombers nasa likod ng pagsabog na kumitil sa apat na indibidwal at nag-iwan sa 50 pang kataong sugatan, nitong Linggo.

“Wala pong indication na meron ganun. Kausap ko yung provincial director, ongoing yung Mass nung mangyari ito; yung apat na biktima are all Christians. Wala pong indicators na may suicide bombing na involved sa insidente,” pahayag ni Fajardo.

Inilahad din niya na base sa pagkakakilanlan ng “persons of interest,” posibleng ang mga umatake ay miyembro ng grupong sangkot sa nakaraang bus bombings sa rehiyon.

“Lahat ng information na ibinigay at natatanggap natin ay kino-consider natin ‘yan, at we are in close coordination with our AFP [Armed Forces of the Philippines] counterparts and doon sa possible involvement ng foreign terrorist,” ani Fajardo.

Bilang tugon sa pahayag ng Islamic State militants’ na pakana nila ang pagpapasabog, sinabi ni Fajardo na susuriin ng PNP ang ebidensyang nakalap nito.

“Anyone can claim na sila and responsible for this incident. But we will base our investigation on the evidence, and hindi sa sabi sabi lang,” ayon sa opisyal.

Nauna nang inilagay ng PNP ang police regional offices nito sa Mindanao sa red alert status at isinailalim ang National Capital Region sa heightened alert status bilang pag-iingat.

Iginiit ng Islamic State militants nitong Lunes na sila ang responsable sa bomb attack, ayon sa ulat. RNT/SA