Home HOME BANNER STORY Pinas nag-deploy ng Coast Guard vessel sa Julian Felipe reef sa gitna...

Pinas nag-deploy ng Coast Guard vessel sa Julian Felipe reef sa gitna ng presensya ng Tsina

MANILA, Philippines- Nagpadala na ang gobyerno ng Pilipinas ng Coast Guard vessel sa Julian Felipe Reef na nasa loob ng PAR (Philippine area of responsibility) kung saan namataan kamakailan na nagkukumpulan ang 135 Chinese maritime militia vessels.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), balik na naman sa West Philippine Sea (WPS) ang nasa 135 CMM ships ang nakita sa naturang lugar na higit na marami sa 111 barko na naitala noong Nobyembre 13, 2023.

Sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na, “Yes, parang they’re trying really to change the facts from the ground ‘no. So, as a result of this ‘no, nag-desisyon ang National Task Force West Philippine Sea na ipaalam ito sa publiko, what is happening at this reef, iyong Julian Felipe reef na nagkakaroon na naman swarming at nagpadala tayo ng mga tropa doon, na Coast Guard vessel for dispatch to that area to fly the flag as well.”

“Kasi kung ang Chinese Coast Guard at ang Chinese maritime militia be present their ‘no, flying their flag, the Philippines must also be represented at—pina-igting din natin iyon ating maritime domain awareness to the deployment ng ating mga tropa para ipakita naman sa Tsina na hindi natin ito binabalewala na pinuprotesta natin at hindi tayo natutuwa sa ginagawang swarming sa Julian Felipe reefs,” aniya pa rin.

Winika pa ni Malaya na ang bilang ng mga vessels sa reef ang  pinakalamalaki na na-monitor ng gobyerno.

“Alam mo, sa pagmo-monitor natin, wala ding tao iyan mga iyan,” ayon kay Malaya.

“They’re maybe a skeletal crew there ‘no, pero mostly is just there, just you know to show the world na itong lugar na iyan ay sa amin. And tayo po, we do not accept that,” lahad nito.

Sa ulat, nakita ang CMM ships nang ipadala ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan noong Sabado ang PCG vessels na BRP Sindangan at BRP Cabra para magpatrolya malapit sa Julian Felipe Reef, na nasa 175 nautical miles west ng Bataraza, Palawan.

Nagpadala ng radio challenges ang mga barko ng PCG ngunit walang tumugon sa kanila.

Sa kabila ng napakaraming barko ng China, nanindigan ang PCG na mananatiling ipatutupad ang kanilang mandato na tiyakin ang kaligtasan sa parte ng karagatan na nasasakupan ng Pilipinas at ang mga likas na yaman dito.

Ang pagkakakita sa mga barko ng China ay bago pa sa planong WPS caravan na ikakasa ng Atin Ito! Coalition sa Disyembre 10 na lilibot sa mga isla na sakop ng Pilipinas at mamimigay ng mga regalo partikular na sa mga sundalo na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa may Ayungin shoal.

Matatandaang pinangunahan noong nakaraang linggo ni National Security Adviser Eduardo Ano ang inagurasyon ng bagong Coast Guard station sa KIG, kung saan plano ng pamahalaan na gawin itong “fully functional” sa lalong madaling panahon.

“Well, iyong in-inspection namin, basic palang iyong laman ‘no. But, this is just the first phase of the improvement of our Coast Guard, dadagdagan pa ng iba pang monitoring equipment in the next few weeks and months, para maging fully functional po ang ating Coast Guard station sa Kalayaan Island group,” ayon kay Malaya. Kris Jose