MANILA, Philippines- Umapela ang ilang opisyal ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) na bumaba na sa pwesto ang kanilang pinuno na si Atty. Franklin Quijano upang maipagpatuloy ang kanilang programa ng naaayon sa kapakanan ng 12 milyong senior citizens.
Sa isang forum na ginanap sa Maynila nitong Biyernes, binigyang-diin ng limang komisyuner na kinabibilangan nina Retired Lt. Gen Ricardo G. Rainier Cruz; Enriqueta R. Rodeles; Dr. Mary Jean Loreche; Edwin G. Espejo; at Commissioner Reymar Mansilungan na karapat-dapat lamang na mabigyan ng dedikadong public servant na inuuna ang kanilang interes kaysa sa ano pa man.
Nakasaad sa manifesto na ipinalabas sa media ang limang mga kadahilanan kaya pinagbibitiw nila sa tungkulin si Quijano.
Kabilang dito ang grave abuse of authority, gross misconduct, gross negligence of duty, ignorance of the law, at conduct inimical to the interest of public service.
Karamihan sa mga isyu at gawain ng komisyon at non-commission na kanilang inakusa sa chairman ay nasa joint committee ng Kongreso na nagsagawa ng imbestigasyon kasunod ng privilege speech ni Rep. Rodolfo Ordanes noong Agosto 2022.
Ayon sa mga komisyuner, nakakalungkot na marami sa kanilang natuklasan ay nananawagan para sa reporma at corrections na patuloy namang binabalewala ng pinuno.
“Worse, he is repeatedly commiting acts deemed by the House of representatives as illegal,improper and whimsical,” giit pa sa manifesto.
Sinabi ng mga komisyuner na maapektuhan ang senior citizens kung mananatili sa pwesto at patuloy na magmamatigas si Quijano dahil na rin sa mismanangement umano nito sa NCSC kung saan hindi nagagamit nang maayos ang inilalaang pondo para sa mga programa nito.
Sakali naman aniyang ayaw magbitiw ni Quijano, sila ay dudulog sa Office of the Executive Secretary upang iparating ang kinasasangkutan niyang kontrobersya.
Itinalaga si Quijano sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Jocelyn Tabangcura-Domenden