Home NATIONWIDE NDRRMC tiniyak na magsasagawa ng mga hakbang sa gitna P1.2B pinsala ng...

NDRRMC tiniyak na magsasagawa ng mga hakbang sa gitna P1.2B pinsala ng El Niño sa agrikultura

MANILA, Philippines- Gumagawa na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng mahalagang hakbang para tugunan ang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Ang pinsala sa agrikultura ay bunsod ng weather phenomenon na umabot na sa P1,236,853,305.08, ayon sa council. May kabuuang 29,409 magsasaka at mangingisda ang apektado sa buong bansa.

“The National Disaster Risk Reduction and Management Council through the Task Force El Niño is taking decisive actions to mitigate the impacts of El Niño as it threatens the communities with severe drought and extreme weather,” ayon dito.

Sinabi pa ng NDRRMC na gumagawa na ng hakbang ang Department of Agriculture (DA) para ayusin ang water management systems sa mga lalawigan na apektado ng El Niño.

Kabilang dito ang pagsasaayos ng 797.99 kilometro ng irrigation canal; rehabilitasyon ng 40 units ng small-scale irrigation systems; distribusyon ng 1,576 units ng irrigation network services; pagsasagawa ng cloud seeding operations; at pagtatayo ng 90 small farm reservoirs sa pamamagitan ng “Project Local Adaptation to Water Access” para suportahan ang food security ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Namahagi rin ang DA ng 60,013 native animals sa 334 grupo at 534 indibidwal na magsasaka sa pamamagitan ng Philippine Native Animal Development Program para suportahan ang kabuhayan ng mga maaapektuhan ng matagal na tagtuyot.

Nagbigay naman ang DA ng 111 sari-saring alternatibong kabuhayan at teknolohiya para sa mga mangingisda sa Cordillera Administrative Region (CAR), Bicol Region (Region 5), Central Visayas (Region 7), at Zamboanga Peninsula (Region 9).

Sa kabilang dako, tiniyak naman ng Department of Energy (DOE) na mahigpit itong naka-monitor sa napapanahong pagtatapos ng power generation at transmission projects upang matiyak na may sapat na suplay ng elektrisidad.

Para naman sa Department of Health (DOH), nakahanda na ang mga ospital na tumanggap sa pagdagsa ng mga pasyente dahil sa summer-related diseases at karamdaman. Sinabi pa nito na ang inventory ng water at energy capacity storage sa health facilities ay isinagawa na at maging ang pag-update sa ‘surge capacity’ at continuity plans at prepositioning ng health commodities.

Binawasang naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang alokasyon para sa National Irrigation Administration (NIA) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para “to conserve the available water supply.”

Samantala, pinayuhan naman ng DENR ang publiko na mag-imbak ng “water supply until the onset of the rainy season.”

Gayundin, sinabi naman ng NDRRMC na pasan ngayon ng Western Visayas (Region 6) ang matinding epekto ng El Nino. Sa katunayan umabot na sa P678 milyon ang kabuuang naitalang pinsala sa agrikultura sa rehiyon.

Sinundan ito ng Mimaropa sa Region 4B (Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) na may kabuuang pinsala sa agrikultura na P319 million; Cagayan Valley (Region 2) na may P120 million; Ilocos Region (Region 1) na may P54 million; Calabarzon sa Region 4A (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) na may P2.75 million; at Zamboanga Peninsula (Region 9) na may P717,527.

Sa ngayon, may apat na lugar ang deklaradong nasa ilalim ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño. Ito ay ang Bulalaco (San Pedro) at bayan ng Mansalay sa Oriental Mindoro, Bayan ng Looc sa Occidental Mindoro, at Zamboanga City sa Zamboanga del Sur. Kris Jose