
SA mundo ng pangangalaga ng occupational safety and health ng kompanya, napakaimportante ng incident/accident investigation. Dito kasi madidiskubre ang mga ‘real’ at ‘root cause’ ng anomang aberya. Kabilang sa incident ang tinatawag nating “near miss”. Ano nga ba ito?
Tinatawag na near miss ang isang insidente sa working environment na maaaring magdulot ng injury o property damage. In short, walang nangyaring aksidente at sa layman’s term, ‘close call’ ito.
Kung tutuusin, wala namang ‘significant loss’ kapag may near miss pero may malaking problema kapag hindi ito naimbestigahan. Halimbawa may near miss na muntikan nang madapa, muntikang makabangga o mabangga ng sasakyan, muntikang makainom ng likidong inaakalang safe na tubig, muntikang tamaan sa ulo ng construction debris at iba pa.
Ayon sa ‘accident triangle theory’ ng Amerikanong si Frank Bird (1921-2007), maaaring magkaroon ng isang serious injury o fatality, 10 minor injuries at 30 property damages sa kada-600 near miss incident. Base ito sa kaniyang pananaliksik noong taong 1966 sa 1.7M kaso ng aksidente na nai-report mula sa 300 na kompanya.
Kung bibigyan natin ng mas malalimang interpretasyon, kapag may 600 near miss pala ay malaki na ang tiyansa na may isang manggagawa na magiging malubha o mamamatay, isang property damage sa bawat 20 at isang minor injury naman sa bawat 60 na near miss.
Pero ano nga ba ang mga requirement ng OSH standard at pangako ng bawat kompanya na nakadeklara sa kanilang occupational safety and health program na isinusumite sa labor department? Sigurado tayo na kabilang dito ang protection of workers and employees against workplace injuries, illnesses and death.
At para mangyari ito, hindi sasapat na aksidente lamang ang pinagtutuunan ng pansin. Kinakailangang i-report ang lahat ng insidente tulad ng near miss. Mas mainam kung nakapaloob ito sa OSH program. Nararapat lamang na isagawa ang imbestigasyon para maiwasan ang tinatawag na recurrence na papunta sa aksidente. Sa ganitong pamamaraan, maraming matututo sa workplace at mababawasan ang tiyansang may maaksidente, magkasakit o masisirang kagamitan.