Home NATIONWIDE P6M inisyal na inimprentang balota wawasakin ng Comelec

P6M inisyal na inimprentang balota wawasakin ng Comelec

MANILA, Philippines- Sisirain ng Commission on Elections (Comelec) ang anim na milyong balota na inisyal na naimprenta para sa midterm elections upang maalis ang pagdududa na maaari itong magamit sa eleksyon o sa darating na halalan.

Sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia nitong Miyerkules na ang mga balotang ito ay iiimbentaryo, iuulat sa Commission on Audit (COA), at saka sisirain.

Ayon kay Garcia, ang mga naimprentang balota ay para sa local absentee voting, overseas voting, test ballots, Bangsamoro at Caraga region.

Ito ay matapos maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) na pumipigil sa komisyon sa pagpapatupad ng kanilang desisyon na idiskwalipika o tanggihan ang certificate of candidacy ng limang kandidato.

Sinabi rin ni Garcia na tinitignan nilang ipagpatuloy ang pag-imprenta ng mga balota sa susunod na linggo.

Aminado si Garcia na ang nasabing pagbabago ay nakaapekto sa proseso ng pag-imprenta.

Kasabay nito, tiniyak nito sa publiko na sila ang may kontrol sa sitwasyon.

“We have a plan B for this kind of situation, we have prepared for this kind of event,” giit ng poll chief.

Ayon pa kay Garcia, hindi na maaring i-reset ang halalan dahil nakatakda ito sa Saligang Batas.

Aniya, wala silang iniisip na anumang pagpapaliban at gagawin nila ang lahat dahil ang komisyon ang may kontrol sa sitwasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden