Home NATIONWIDE NEDA chief Balisacan pinagbibitiw sa pwesto

NEDA chief Balisacan pinagbibitiw sa pwesto

MANILA, Philippines- Inihirit ng mga grupo ng magsasaka ang pagbaba sa pwesto ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, kasunod ng planong pagtapyas sa rice import tariff rates ng bansa.

Ayon sa farmers groups, maaapektuhan ang mga lokal na magsasaka ng mas mataas na imports, at hindi magpapababa sa presyo ng bigas sa P29 kada kilo.

“Wala na sa tamang pag-iisip si Secretary Balisacan, kaya magpahinga na siya. Kasi grabe na pananaksak sa amin sa likod. The farmers are the backbone of the economy—backbone ng osteoporosis dahil sa kahirapan sa dami ng utang ng farmers,” pahayag ni Pambansang Mannalon, Mag-uuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas (P4MP) president Anong Manalo, batay sa ulat nitong Linggo.

Kasunod ito ng pag-apruba ng NEDA Board, sa pamumuno ng Pangulo, noong nakaraang linggo sa pagbawas ng rice tariffs sa 15% para sa in-quota at out-quota rates hanggang 2028.

Kasalukuyang isinusulong ng mga grupo na makaharap si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil anila’y hindi sila kinonsulta ng NEDA at hindi ito dumaan sa Tariff Commission.

Binabalak din nilang maghain ng temporary restraining order laban sa panukala sakaling lagdaan ito ni Marcos at maisabatas, at sinabing hindi magiging posible na maibaba ang presyo ng bigas sa P29 kada kilo.

“We think NEDA is giving the President false hopes and that’s why we feel that before the President thinks of issuing an Executive Order, pakinggan niya muna kami, bagamat baligtad ‘yung proseso, para hindi po malagay rin sa alanganin ang ating pamahalaan,” giit ni Federal of Free Farmers’ Leony Montemayor.

Inihayag naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na kailangan pa ring magbigay ng pamahalaan ng subsidiya na tinatayang P21 kada kilo para sa presyo ng bigas upang makamit ang P29 kada kilo, sa pagkwestiyon nito kung anong mangyayari pagsapit ng anihan sa Oktubre.

Katumbas ito ng P22 bilyong subsidiya kada buwan, at magdudulot ng P86 bilyong pagkalugi sa mga lokal na magsasaka sa pagbaba rin ng presyo ng palay o unmilled rice upang makipagkompetensya sa bugso ng imports.

Nauna nang inihayag ng gobyerno na bibili ang National Food Authority (NFA) ng produksyon ng local farmers, subalit sinabi ng SINAG na ang ahensya ay mayroon lamang kapasidad na makabili ng 5% ng stocks.

“Paano ‘yung remaining? Ibig ba sabihin eh babagsak na presyo ng palay? Kasi wala na silang pera pambili eh so ‘yun ang isang malaking problema. ‘Yung sinasabi na may pondo, bumibili ang gobyerno pero hanggang maximum of 15 days lang sila. Eh mag-umpisa pa lang ang ani, wala na silang mabibili,” ani SINAG chairman Rosendo So.

Sa kasalukuyan ay kinukuha pa ang komento ni Balisacan ukol dito. RNT/SA