Home METRO Negosyante gumanti ng saksak sa kagat ng aso, arestado!

Negosyante gumanti ng saksak sa kagat ng aso, arestado!

MANILA, Philippines- Binitbit ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang negosyanteng Filipino-Korean nang manaksak at makapatay ng isang aso sa isang eatery sa Malate, Manila kamakailan.

Kinilala ang suspek na si William Kenji Lim y Sison, 23, nanunuluyan sa 2100 Room 802 A. Mabini Street, Malate, Manila.

Lumabas sa imbestigasyon ng MPD-General Assignment Section (MPD-GAIS), pumasok ang suspek sa Super 6 Grill House upang magpatulong na linisin ang kanyang sugat sa paa na umano’y kinagat ng asong gala.

Sa pagkakataong ito, ang alagang aso naman ng establisimyento na si Ericka ay nakaupo katabi ng waiter na si Angelo Bueno.

Dinala ni Bueno at kasamahang si Jerome Rabaya sa banyo si Lim upang hugasan ang kanyang sugat subalit, bigla itong dumampot ng kutsilyo palabas ng establisimyento.

Sa labas, may mga aso na kumakahol sa suspek kaya naman lumabas din ang alagang aso si Ericka.

Nang makita ito ng suspek, ito ay napagdiskitahan at pinagsasaksak nang apat na beses na nagresulta sa agarang pagkamatay ng aso.

Hindi pa nakuntento, pinagbalingan din ang iba pang aso kung saan isa pa ang tinamaan ng saksak bago itinapon ang ginamit na kutsilyo saka tumakbo pabalik sa palikuran.

Tiyempo namang napadaan ang mga tauhan ng Remedios PCP kaya naaresto ang suspek at dinala sa Ermita Police Station bago inilipat sa MPD-GAIS para sa karagdagang imbestigasyon .

Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa The Animal Welfare Act of 1998, Malicious Mischief at Batas Pambansa Bilang 6. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleHigit 200 BuCor employees tatanggalin sa trabaho
Next article1st tranche ng tulong-pinansiyal naibigay na sa survivors ng Houthi attack – DFA