Home HOME BANNER STORY Negosyante itinumba sa laundry shop sa QC

Negosyante itinumba sa laundry shop sa QC

200
0

MANILA, Philippines – Pinatay ang 43-anyos na negosyante sa loob mismo ng laundry shop nito sa isang subdivision sa Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City.

Sa pahayag ng Quezon City Police District, sinabi na noong Lunes, ay may pumasok na suspek suot ang itim na kapote at helmet ng isang ride-hailing service sa laundry shop at pinaputukan ng ilang beses ang biktima.

Tinangay ng suspek ang gintong kwintas ng biktima na nagkakahalaga ng P145,000 at tumakas patungo sa Quirino Highway sakay ng motorsiklo.

Binuo na ang special investigation team (SIT) para rito.

Sa CCTV footage, nakita ang suspek sa Sabina Market kung saan umano nito dinala ang ninakaw na kwintas.

Natukoy ng mga awtoridad ang suspek sa pamamagitan ng plaka ng kanyang getaway motorcycle.

Nitong Miyerkules, Setyembre 3 ay naaresto ang suspek sa Sitio Pajo Market sa Barangay Baesa.

Kinilala ng QCPD ang suspek na si “Mike Joey,” 43-anyos na rider ng isang ride-hailing service.

Kalaunan ay isinuko ng asawa ng suspek ang mga piraso ng ebidensya kabilang ang motorsiklo, plate number, itim na kapote, pulang helmet, sandals at isa pang helmet.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at sasampahan ng reklamong robbery with homicide sa Quezon City Prosecutor’s Office.

“I commend our investigators and operatives who worked tirelessly day and night to identify, track, and apprehend the suspect in just two days,” pahayag ni QCPD acting director  Police Colonel Randy Glenn Silvio.

“This swift case resolution reflects our commitment to deliver justice and rid our streets of criminals, in line with the directives of the Acting CPNP and the NCRPO Regional Director,” dagdag pa niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here