Home METRO Negosyante ninakawan ng P3.5M cash, alahas at cellphone sa Cebu

Negosyante ninakawan ng P3.5M cash, alahas at cellphone sa Cebu

MANILA, Philippines – Ninakawan ng tatlong hindi pa tukoy na indibidwal ang isang negosyante sa Villa Quijano, Forest Hills, Banawa sa Brgy. Guadalupe, Cebu City, nitong Bisperas ng Bagong Taon, Disyembre 31, 2024.

Ang biktima ay kinilalang si Remark Broa, 21-anyos na nagmamay-ari ng iba’t ibang cellular shops sa iba’t ibang mall sa Cebu.

Natangay ng mga suspek kay Broa ang P2.5 milyong halaga ng cash, at halos P1 milyong halaga ng alahas at cellphone.

Kinuha rin ng mga suspek ang iba pang dokumento gaya ng kanyang pasaporte at ATM cards.

Sa panayam, bumaba ang biktima sa kanyang sasakyan para buksan ang gate ng kanyang bahay.

Nang bumalik siya sa loob ng sasakyan para pumasok sa parking area ng kanyang bahay at napansin niya ang mga suspek na nagparada ng kanilang motorsiklo sa tapat din ng kanyang bahay.

Agad na nagmadali ang biktima na isara ang gate ng kanyang bahay ngunit dinakma siya ng dalawa sa mga suspek at tinutukan pa ng baril.

Nilagyan ng tape ng mga suspek ang kamay at bibig nito saka pinadapa sa kalsada.

Pumasok ang mga suspek sa loob ng kanyang sasakyan at kinuha ang cash na nagkakahalaga ng P2.5 milyon, dalawang chain necklaces na nagkakahalaga ng P135,000; isang rope necklace na nagkakahalaga ng P40,000; pendant na nagkakahalaga ng P25,000; relo na nagkakahalaga ng P200,000; bracelet na nagkakahalaga ng P85,000; chain na nagkakahalaga ng P20,000; singsing na nagkakahalaga ng P300,000; at cellular phone na nagkakahalaga ng P36,000.

Kinuha rin ng mga suspek ang pasaporte at ATM cards ng biktima.

Ang pera ay kita mula sa mga negosyo nito na plano sanang ideposito sa banko.

Agad na umalis ang mga suspek matapos ang pagnanakaw at nagawa namang matanggal ni Broa ang mga tape mula sa kanyang kamay at bibig, saka madaling humingi ng tulong sa mga kaanak at kaibigan.

Iniulat ang insidente sa barangay at sa Guadalupe Police Station.

Wala pang tugon ang pulisya kaugnay sa insidente. RNT/JGC