Home NATIONWIDE Mga deboto ng Nazareno, walang dapat ikabahala sa kumakalat na virus sa...

Mga deboto ng Nazareno, walang dapat ikabahala sa kumakalat na virus sa China – DOH

MANILA, Philippines – Walang dapat ikabahala ang mga deboto sa kumakalat na bagong virus sa China, ito ay ayon sa Department of Health (DOH) kaugnay sa Traslacion 2025.

Isa ang DOH sa komite at dumalo ngayong araw sa press conference na ginanap sa Nazarene Catholic School para sa paghahanda sa buong Kapistahan ng Quiapo.

Ayon kay Dr. Ervin Miranda, nakatutok ang DOH sa mga nangyayari sa ibang bansa partikular sa China.

Aniya, nakaantabay ang DOH at asahan na kung sakali ay magpapahayag ng abiso hindi lamang sa pamunuan ng Quiapo Church kundi sa ating mamamayan para maging ligtas ang Traslacion.

Sinabi naman ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na tulad ng post pandemic ay hinikayat ang mga deboto na patuloy pa rin sanang magsuot ng face mask kung hindi naman sagabal.

Idinagdag pa ni Lacuna na dapat lagi pa ring ipatupad ang hand washing at sanitizing para sa maiwasan ang anumang sakit.

Ang pahayag ng DOH at ni Lacuna ay kasunod ng kumakalat sa social media na bagong sakit na laganap ngayon sa China na kahalintulad ng trangkaso o flu na Human Metapnuemovirus na pinagsama ang  Influenza A, respiratory illness, Mycoplasma pneumoniae at COVID 19. Jocelyn Tabangcura-Domenden