TACURONG CITY- PATAY ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek sa harap ng kanyang misis kagabi, Disyembre 6 sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Rel Blanco, na hustong gulang, at pansamantalang naninirahan sa Doña Aurora Street, Poblacion, Tacurong City.
Batay sa report ng Tacurong City Police Station, bandang 6:30 PM ng Biyernes naganap ang krimen sa kahabaan ng Quirino Avenue, Alunan Highway, Purok 6, Tacurong City.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima ng kanyang kotse kasama ang misis at habang binabaybay ang kahabaan ng nasabing kalsada bigla na lamang itong hinarang ng mga armadong suspek.
Agad na naglabas ng armas ang hitman at pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang masuwerte naman ligtas ang kanyang misis.
Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek na mabilis tumakas sa hindi malamang direksyon. Mary Anne Sapico