Home METRO Negosyante patay, misis sugatan sa pamamaril sa Abra

Negosyante patay, misis sugatan sa pamamaril sa Abra

MANILA, Philippines – Patay ang isang negosyante habang sugatan ang misis nito matapos paputukan ng mga gunman na sakay ng motorsiklo habang nakapwesto sa tindahan nila ng bigas, sa Barangay San Ramon, Manabo, Abra.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Rodel at Zoraida Bermudez mula sa Barangay Patoc, Bucay, Abra.

Nasa loob ng tindahan ang mga biktima nang huminto sa harap nito ang isang itim na motorsiklo.

Bumaba ang back rider saka pinaputukan ang dalawa.

Tumakas ang mga suspek patungo sa Bucay. Agad namang dinala ang mga biktima sa ospital kung saan idineklarang patay si Rodel at nagpapagaling naman si Zoraida.

Kalaunan ay naaresto ang gunmen sa checkpoint sakay ng isang pickup truck na pagmamay-ari ng isang local na opisyal sa Manabo.

Ayon sa opisyal, kasama niya ang kanyang anak at pinsan patungo sa Bangued para bumili ng piyesa ng kanyang trak nang makita ang mga suspek sa kalsada.

Pumara ang mga ito at nakisabit at hindi alam na sangkot pala ang mga ito sa pagpatay.

Narekober ng pulisya ang kalibre .45 at kalibre. 22 pistola mula sa mga suspek.

Iniimbestigahan pa ang insidente. RNT/JGC