Home NATIONWIDE Negros Occidental umapela ng cloud seeding sa P97.7M agri damage sa tagtuyot

Negros Occidental umapela ng cloud seeding sa P97.7M agri damage sa tagtuyot

MANILA, Philippines – Hiniling ng mga lokal na opisyal ng Negros Occidental sa Bureau of Soils and Water Management (BSWM) na irekonsidera ang desisyon na huwag magsagawa ng cloud seeding operations sa probinsya.

Ito ay kasunod ng naitalang P97 milyong halaga ng pinsala sa mga pananim sa probinsya dahil sa tagtuyot.

Nanawagan sina Negros Occidental Gov. Eugenio Jose Lacson at Rep. Emilio Yulo III ng 5th District ng Negros Occidental sa BSWM na suriin at irekonsidera ang rekomendasyon laban sa cloud seeding sa Negros Occidental.

“Cloud seeding would somehow help the drought hit crops in the province,” ani Lacson sa isang panayam.

Nagdesisyon ang BSWM laban sa cloud seeding dahil sa kakulangan ng ulap at moisture sa probinsya. Maaapektuhan din umano ng induced rain ang 20,659 puno ng mangga sa San Carlos City, at 2,752 puno sa Guimaras.

Ani Lacson, nakipag-usap siya kay Agriculture Regional Director Dennis Arpia upang tanungin kung maaari bang irekonsidera ang rekomendasyon laban sa cloud seeding.

“Arpia’s response was that the experts have already said that there are no seedable clouds.”

Umaasa ang gobernador na magkaroon man lamang ng kahit mahinang pag-ulan upang matulungan ang mga magsasaka sa lubhang naapektuhang mga sakahan dahil sa El Nino.

Sa kasaluluyan ay aabot na sa 2,585 magsasaka ang apektado ng tagtuyot sa 20 sa 31 local government units sa Negros Occidental kung saan P97,788,037 halaga ng pananim ang nasira hanggang nitong Abril 2.

Ang pinsala sa mga pananim na bigas ay nasa P93,050,227 at mais sa P4,737,809, ayon kay Provincial Agriculturist Dina Genzola. RNT/JGC