Home METRO Nene patay, ina kritikal sa bangga ng trak

Nene patay, ina kritikal sa bangga ng trak

CEBU – PATAY ang isang 12-anyos na nene habang kritikal ang kanyang ina matapos silang mabangga ng rumaragasang trak, kahapon, Enero 27 sa Alcantara City.

Kinilala ang nasawi na si Xiane Julia, habang inoobserbahan sa ospital ang ina nitong si Edwinda Llenos, 38, kapwa residente ng Barangay Poblacion, Alcantara City.

Nadakip naman ang suspek at driver ng forward truck na si Emmanuel Villahermosa Sibla, 55, taga-Barangay Pa­ril, Barili City.

Batay sa report ng Alcantara Police station, bandang 2:39 PM naganap ang insidente a national highway na sakop ng Barangay Poblacion, ng nasabing lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng ina ang motorsiklo angkas ang kanyang anak patungo sa Moalboal nang bigla na lamang silang salpukin ng trak na minamaneho ni Villahermosa.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mag-ina sa sementadong kalsada at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan habang mabilis na sumibad ang suspek imbes na dalhin sa ospital ang mga biktima.

Kaagad naman rumesponde ang mga otoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at dinala sa ospital ang mag-ina subalit hindi na umabot pang buhay si Julia.

Agad naman nahuli ng mga pulis ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, serious physical injuries at damage to property. Mary Anne Sapico