Home HOME BANNER STORY Nene pinatay, ibinigti sa loob ng paaralan

Nene pinatay, ibinigti sa loob ng paaralan

MANILA, Philippines – Natagpuang patay ang isang 11-anyos na dalagita sa loob mismo ng kanyang paaralan sa General Trias, Cavite.

Ayo sa ulat, nadiskubre ang katawan ng biktima sa madamong bahagi ng Academy of Saint John Academy, ilang araw matapos iulat ang pagkawala nito noong weekend.

Nagtamo ng mga sugat sa mukha ang biktima at ibinigti pa gamit ang baging sa kanyang leeg. Nakataas din ang damit ng dalagita.

“Masakit, emosyonal, kasi hindi naman hayop, yun anak ko eh. Ginanon lang. Tao yun eh,” ayon sa ina ng biktima sa panayam ng GMA News.

Ayon sa ina nito na nagtatrabaho sa Manila, huli niyang nakausap ang kanyang anak sa telepono noong Sabado ng gabi nang manghingi ang anak ng pambili ng tsinelas.

Huli namang nakita ng ama ng biktima, na isang tricycle driver, ang kanyang anak nang manghingi sa kanya ng pera nitong Linggo. Naghintay ang ama buong gabi ngunit hindi na bumalik ang anak.

Tinutugis na ng pulisya ang suspek na agad na tumakas matapos ang insidente.

Tumangging magbigay ng karagdagang impormasyon ang mga awtoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/JGC