MANILA, Philippines – Sa kabila ng tumaas na bilang ng mga barko ng China sa iba’t ibang maritime features sa West Philippine Sea, sinabi ng opisyal ng Philippine Navy nitong Miyerkules, Hunyo 12 na ikinokonsidera pa rin itong nasa “acceptable limits.”
Ayon kay Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, nakakapagpadala ang People’s Liberation Army Navy’s (PLAN) South Sea Fleet ng nasa 75 hanggang 80 barko at submarine.
Hanggang nitong Martes, sa datos ng PN ay nasa kabuuang 146 Chinese vessels ang namataan sa walong maritime features mula Hunyo 4 hanggang 10, kung saan 22 ang PLAN vessels.
“Kung titignan natin ang buong kakayanan ng South Sea Fleet, hindi pa naman ‘to alarming, ‘yung current increase, sapagkat it is well within the capability of the South Sea Fleet,” sinabi ni Trinidad sa isang public briefing.
“What will be concerning is ‘pag ito ay may mga pwersa sila galing sa ibang fleet nila—the East Sea Fleet or the North Sea Fleet. But so far ‘yung increase in numbers is still within our acceptable limits,” dagdag pa niya.
Bukod sa mga barko ng PLAN, naitala rin ng Philippine Navy ang nasa 108 Chinese Maritime Militia vessels (CMMV) at 16 ang barko ng China Coast Guard (CCG).
Ang kabuuang 146 Chinese vessels na namataan ay mas mataas kumpara sa 125 barko na namonitor mula Mayo 28 hanggang Hunyo 3.
Karamihan sa mga ito, o 50 Chinese vessels ay matatagpuan sa Ayungin Shoal, na 105 nautical miles ang layo sa kanluran ng Palawan at pasok sa 200-mile exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Mayroon namang 42 barko ang namataan sa Pag-asa Island, at 33 sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal.
May mga nakita ring barko sa Kota Island, Likas Island, Lawak Island, Panata Island, at Sabina Shoal.
Ang pagtaas sa bilang ng mga barko ng China, ani Trinidad, ay dahil sa mga exercise na isinagawa sa Sabina Shoal ngayong buwan.
Sa naturang exercise, naglunsad ang Chinese military ng hovercraft at aircraft, at nagsagawa pa ng mga manuever sa karagatan. RNT/JGC