MANILA, Philippines- Kailangang sumailalim sa operasyon ang isang tatlong taong gulang na babae matapos masagasaan ng toktok sa Sta. Cruz, Maynila.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikitang naglalaro ang bata sa Felix Huertas noong Huwebes ng hapon. Tila sinundan ng bata ang isang lalaki nang mabangga ng toktok.
Biglang napahinto ang toktok kaya natumba ito at naipit ang batang biktima sa ilalim ng sasakyan.
Agad na bumaba ang mga sakay na pasahero habang nagtulungan ang mga residente sa lugar na itayo ang toktok na dumagan sa bata.
Dinala siya ng kanyang mga kaanak sa ospital. Naglupasay naman ang driver ng toktok dahil sa panlulumo sa insidente.
Agad namang pina-secure ng Barangay 336 ang driver matapos siyang pagbuhatan ng kamay ng mga residente dahil sa pangyayari.
Ang bata ay nagkaroon umano ng crack sa ulo at may pagdurugo sa loob ng kanyang atay at kailangang operahan.
Iniimbestigahan na ng Manila Police District (MPD) ang insidente at nagkaroon ng pansamantalang kasunduan sa pagitan ng driver at nanay ng biktima. Jocelyn Tabangcura-Domenden