MANILA, Philippines – Dalawang taon matapos Manalo bilang Bise Presidente, sumadsad ang net satisfaction rating ni Vice President Sara Duterte sa pinakamababang lebel nito, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa kabila nito, tinukoy pa rin ng SWS ang resulta bilang “good” dahil 65 percent ng mga respondent ang nagsabing sila ay satisfied pa rin sa performance ni Duterte, habang 21 percent ang dissatisfied at 14 percent ang undecided.
Isinagawa ang survey mula Hunyo 23 hanggang Hulyo 1, kung saan ang net satisfaction rating ni Duterte ay nasa +44 (satisfied minus the dissatisfied) na pinakamababa niya mula nang mahalal noong 2022.
Nakakuha si Duterte ng net satisfaction rating na +73 noong Oktubre 2022, at kalaunan ay tumaas sa +77 noong Disyembre 2022, ngunit nanatili sa average na +64.5 sa kabuuan ng 2023.
Noong Marso, ang kanyang satisfaction rating ay bumaba sa +64.
Kumpara sa March 2024 survey, bumaba ang gross satisfaction ni Duterte ng 10 percentage points mula 75 percent, habang ang kanyang net satisfaction rating ay bumaba ng 19 points mula “very good” (+63) patungong “good.”
Bumaba rin ang net satisfaction rating ni Duterte sa urban at rural areas, age groups, genders, graduates at nongraduates kumpara sa March 2024 survey.
Bumaba ang net satisfaction rating ng Bise Presidente sa Luzon o outside Metro Manila mula +55 sa +31 at Visayas mula +69 patungong +47—kapwa mula “very good” ay naging “good.”
Bumaba rin ito sa Metro Manila mula +49 hanggang +32, o kapwa “good,” habang nanatili naman si Duterte na “excellent” sa Mindanao mula +80 patungong +73. RNT/JGC