Home NATIONWIDE ‘New strategy’ ng PNP vs illegal drugs, suportado ni Escudero

‘New strategy’ ng PNP vs illegal drugs, suportado ni Escudero

Sinuportahan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang recalibrated strategy ng Philippine National Police (PNP) magpokus sa pinanggagalingan ng illegal na droga at putulin ang supply chain kaysa durugin ang street-level pushers at users.

Sa pahayag, sinabi ni Escudero na dapat matagal nang ginawa ang ganitong pagtugon na dakpin ang drug lords at hindi basta-basta petty drug pushers.

“From the start, we should have focused on the supply chain given that the raw materials for shabu and cocaine mostly come from abroad,” ayon sa Senate President.

Naniniwala si Escudero na kapag nagtagumpay ang bagong estratehiya ng PNP, magkakaroon ng kakapusan ng illegal na suplay ng droga sa bansa.

“I agree and support this new strategy,” ayon kay Escudero sa statement. “It will make the supply of drugs scarce and price prohibitive for new and old users, and hopefully lower the prevalence of drugs and the number of drug users in the country.”

Inihayag ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil nitong Linggo na magbabago ang pulisya sa anti-illegal drugs strategy sa pamamagitan ng recalibrated approach na may layunin na maging epektibo at iwasang dumanak ang dugo sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa human rights at tugunan ang problema sa drug problema sa ugat nito.

Pagtutuunan ng binagong estratehiya ang mas matinding operasyon sa pangangalap ng impormasyon at community engagement na tukuyin at buwagin ang drug trafficking networks, ayon kay Marbil.

Sa nakaraang administrasyong Duterte mahigit 20,000 hanggang 30,000 indibiduwal na petty pushers ang itinumba sa war on drugs ngunit idinamay ang inosenteng menor de edad. Iilan lamang ang bigtime drug lords na nadakip at naitumba ng administrasyon.

Nahaharap ang ilang personalidad sa nakaraang administrasyon kasama si dating Pangulong Duterte sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa malawakang paglabag sa karapatang pantao.

Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, umabot sa PHP44 billion halaga ng illegal drugs ang nakumpiska sa mahigit 71,500 operations na may 97,000 inarestong indibiduwal na sangkot sa droga. Ernie Reyes