MANILA, Philippines- Hinikayat ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga opisyal ng National Food Authority (NFA) na iniimbestigahan sa umano’y hindi tamang pagbebenta ng NFA buffer stock rice sa subsidized price na boluntaryong mag-leave of absence (LOA).
Sa isang kalatas, sinabi ni Laurel sa mga kinauukulang opisyal na pahintulutan ang investigating panel ng Department of Agriculture (DA) na rebisahin at i-assess mabuti ang bagay na ito “without hindrance.”
“The best thing is, and I strongly advise them, to take a leave of absence… at least the heads, the accused, and the accuser,” ayon sa Kalihim.
Gayunman, tiniyak ni Laurel na ang sinuman ay ipinapalagay na inosente, kinokonsidera ang pagpapalitan ng alegasyon sa loob ng NFA.
“Until proven guilty, everyone is innocent. But this internal investigation is very important so let’s give it time,” ang tinuran ni Laurel.
Sinabi pa nito na ang imbestigasyon ay unang hakbang lamang at ang mga susunod na aksyon ng departameno ay ikakasa lamang sa oras na lumabas na ang resulta ng imbestigasyon.
Hindi naman nagbigay ng deadline si Laurel, gayunman, inaasahan ng Kalihim ang mabilis at tamang assessment result.
Nauna rito, sinabi ni NFA Assistant Administrator for Operations Lemuel Pagayunan na mayroon umanong bentahan ng 75,000 bags ng NFA rice na hindi dumaan sa public bidding.
May kinalaman umano ito sa mahigit na P93.7 milyong halaga ng NFA rice, ipinagbili sa piling millers at traders sa presyo ng P25 per kg.
Samantala, sinabi ng DA na iginigiit ng mga opisyal ng NFA na ang pagbebenta ay sumunod sa tamang pamamaraan at hayagang itinanggi ang anumang iregularidad. Kris Jose