Home NATIONWIDE US, DOTr magkatuwang sa modernisasyon ng vessel management, pagsawata sa signal jamming...

US, DOTr magkatuwang sa modernisasyon ng vessel management, pagsawata sa signal jamming sa PH waters  

MANILA, Philippines- Nakikipagtulungan ang Department of Transportation (DOtr) sa United States government para sa pagsasagawa ng feasibility study na naglalayong paghusayin  ang water traffic management at labanan ang signal jamming sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Sinabi ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista na itinutulak nila ang implementasyon ng Vessel Traffic Management System (VTMS), na magbibigay-daan umano sa mas malalim na awareness at koordinasyon sa maritime traffic upang tugunan ang maritime safety issues.

Pinagsasama ng VTMS ang datos at impormasyong nakolekta ng advanced sensors, kabilang ang radar, automatic identification systems, at very high frequency radios upang makabuo ng kumpletong larawan ng maritime environment para sa epektibong traffic management at komunikasyon.

Inilahad niya na nangako ang US government, sa pamamagitan ng US Embassy sa Manila, na aasistihan ang DOTr sa pagpili ng consultant na magsasagawa ng feasibility study.

Popondohan ang feasibility study, batay sa kasunduang nilagdaan nina Bautista at US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson nitong Sabado,  ng US government sa pamamagitan ng US$1 million grant. 

“The VTMS is vital not just for managing sea traffic, but also provides the Philippine Coast Guard (PCG) with advanced communication redundancy. The VTMS will empower the PCG to level up their maritime capabilities.,” wika ni Bautista. 

“Apart from promoting efficient water traffic management at major ports, it looks like we may have a counter-measure to reported incidents of signal jamming inside our EEZ (Exclusive Economic Zone),” dagdag niya.

Paliwanag ng opisyal, inaasahang mapaiigting ng VTMS ang efficiency ng maritime traffic sa major waterways at ports at makapagbibigay ng aktibong monitoring at navigational information para sa vessels.

“We are pleased to partner with Philippine authorities to develop an expanded VTMS to better manage maritime traffic, to prevent vessel collisions, and to protect marine environments,” pahayag naman ni Carlson. RNT/SA

Previous articleNFA execs na iniimbestigahan inihirit na boluntaryong mag-leave
Next articleTumanggi sa alok na sex, kelot tinarakan sa leeg