Home NATIONWIDE NFA hahawakan muna ni DA chief Laurel

NFA hahawakan muna ni DA chief Laurel

MANILA, Philippines – MULING umupo si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. bilang administrator ng National Food Authority (NFA) kasunod ng utos ng Ombudsman na pagsuspinde sa dalawa pang executive ng food agency.

Nauna rito iniutos na suspindihin ng Ombudsman sina Piolito Santos, OIC administrator ng NFA, kasama si Jonathan Yazon, acting department manager para sa operasyon at koordinasyon kaugnay sa kontrobersyal na pagbebenta ng rice buffer stocks.

Kaugnay nito, itinalaga naman ni Sec. Tiu Laurel si director IV Larry Lacson bilang officer-in-charge deputy administrator ng NFA para matiyak ang tuluy-tuloy na serbisyo sa government-owned and controlled corporation.

“Nais naming patatagin ang sitwasyon sa NFA kasunod ng mga pangyayari noong nakaraang linggo. Nais naming tulungan ang mga empleyado ng NFA sa mga mapanghamong panahon na patuloy na makapagbigay ng walang patid na serbisyo, lalo na ngayong panahon ng ani,” ayon pa sa agri chief.

Nauna rito si Santos ay itinalaga ng NFA Council noong nakaraang linggo bilang acting administrator. Inatasan ang NFA na bumuo ng pambansang rice buffer stock na humigit-kumulang 300,000 metriko tonelada sa pamamagitan ng pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka. Santi Celario