Home NATIONWIDE NFA magpapamahagi na ng bigas sa gitna ng food security emergency

NFA magpapamahagi na ng bigas sa gitna ng food security emergency

MANILA, Philippines – Magsisimula nang ipamahagi ng National Food Authority (NFA) ang dalawang buwang imbentaryo ng bigas sa mga lokal na pamahalaan, simula ngayong Miyerkules, Pebrero 19, bilang bahagi ng food security emergency para sa bigas.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, kabilang sa unang makakatanggap ang San Juan, Valenzuela, Navotas, at Camarines Sur.

Ibebenta ito sa Food Terminal Incorporated (FTI) sa halagang P33 kada kilo, habang ang LGUs at iba pang ahensya ng gobyerno ay maaaring ipagbili ito sa P35 kada kilo sa publiko.

Layunin nitong pababain ang presyo ng bigas sa merkado at palayain ang espasyo sa mga bodega ng NFA para sa pagbili ng lokal na palay. Target ng Department of Agriculture (DA) na maibenta ang 150,000 metric tons (MT) ng NFA rice stocks sa loob ng anim na buwan.

Noong Enero, umabot sa 284,810 MT ang NFA rice stocks—485.1% mas mataas kumpara sa 48,680 MT noong Enero 2024, ayon sa Philippine Statistics Authority. Santi Celario