Kinumpirma ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR na hindi saklaw ng hurisdiksyon nila ang Central One Bataan PH Inc para legal na makapag-operate bilang isang business process outsourcing firm.
Ito ang inihayag ni Atty. Joseph Lobo regulatory officer ng PAGCOR sa isinagawang pulong nitong Miyerkoles ng Bataan Provincial Peace and Order Council.
Sa naturang pulong na pinangunahan ng Chairman ng Bataan Peace and Order Council at Gobernador ng Bataan na si Gov. Joet Garcia, mahigit sampu mula sa 300 empleyado ng Central One Bataan PH na dumalo sa naturang pulong ang nagkuwento ng kanilang hindi malilimutang mga karanasan sa isinagawang raid ng combined forces ng PNP Region3, CIDG at AFP sa pangunguna ng PAOCC o Presidential Anti Organized Crime Commission.
May mga kinatawan mula sa mga nabanggit na ahensya subalit walang ipinadalang kinatawan ang PAOCC kahit na ayon sa DILG, ay pormal nilang inimbitahan si PAOCC Executive Director Gilbert Cruz
Sa naturang pulong, iginiit ni Atty Cherry Anne Dela Cruz na hindi POGO hub ang Central One Bataan PH at saklaw ng AFAB ang regulasyon sa mga operasyon at hindi ito sakop ng direktang pangangasiwa ng PAGCOR.
Sinabi rin niya na ang pasilidad ay sumusunod sa mga patakaran ng BPO at hindi nakikilahok sa online gambling.
Ikinatuwa naman ni Governor Garcia ang mga bagong impormasyon at ng pamunuan ng Central One Bataan PH dahil patunay aniya ito na walang basehan ang naging raid ng PAOCC sa naturang BPO Company. (Santi Celario)