SINUBAYBAYAN nang buo ng Lupa’t Langit ang imbestigasyon sa Kamara sa war on drugs at may isang maituturing na malaking kakulangan dito.
Naglabas ang mga kongresman ng mga testigo sa sinasabi nilang extra-judicial killings ngunit walang testigong inilalabas sa mga krimeng pinaggagagawa ng mga sangkot sa droga.
Hindi naman kaila sa lahat na malululupit ang mga sangkot sa droga.
Naririyan ang kanilang panghahalay at pagpatay sa mga biktimang kababaihan.
Naririyan ang kanilang basta na lang pagpatay habang bangag sa droga.
Iba pa ang mga pagpatay sa mga holdap, pagnanakaw, carnapping at iba pang mga krimen.
Andyan din ang pagkalulong sa droga ng mga ina o ama o anak ng mga overseas Filipino worker.
Hindi rin kaila ang paggamit bilang mga badigard at killer ng mga sangkot sa droga sa mga iskalawag na pulis.
Naririyan din ang pagkaparalisa ng sistemang pangkatarungan sa takot ng mga piskal at huwes na duminig sa mga kasong droga ng mga korap na mga opisyal ng gobyerno at armadong mga badigard nila.
Dahil naman sa napakalaking kakulangang ito, lumalabas tuloy na may kinikilingan at tinitingnan ng mga nag-iimbestiga sa Kamara ukol sa war on drugs.
Kung sino-sino man ang kanilang kinikilingan at tinititigan, sila-sila lang ang nakaaalam.
Pero kung pagbubuo ng batas ang isang layunin sa imbestigasyon, magiging hilaw ang batas na maaari nilang mabuo dahil hindi isinasaalang-alang ang mga karapatan naman ng mga nire-rape, pinapatay, ninanakawan, sinisiraan ng utak at sinisirang buhay ng mga sangkot sa droga.
Pero lumitaw na malinaw na may mga mambabatas na hindi pagbuo ng batas ang layon ng imbestigasyon kundi maghanap ng mga pagkakasala para paghahain ng kriminal na kaso.
May kaugnayan ba ito sa mga susunod na taon, gaya ng pagparalisa sa kanilang mga kalaban sa darating na mga halalan sa 2025 at 2028 na pagpili ng iluluklok na Pangulo ng bansa?