MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P30 daily minimum wage increase sa lahat ng sector at industriya sa Eastern Visayas region.
Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Biyernes, Nobyembre 15 na nag-isyu ang RTWPB sa Region 8 ng Wage Order No. RB VIII-24 noong Nobyembre 5, na nagpapataas sa daily minimum wage mula P405 sa P435.
Inaprubahan din ng RTWPB ang P500 monthly increase sa sahod ng mga kasambahay sa rehiyon, o mula P5,500 ay P6,000 na ang kanilang buwanang sahod.
Iiral ang wage order sa Disyembre 2, 2024.
Sinabi ng DOLE na ang increase ay ipatutupad bilang konsiderasyon sa pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya.
Inaasahang makikinabang sa wage increase ang 126,095 minimum wage earners at 57,080 domestic workers.
“The new rates for workers in the private sector translate to a 7% increase from the prevailing daily minimum wage rates in the region and result in a comparable 10% increase in wage-related benefits covering 13th-month pay, service incentive leave (SIL), and social security benefits such as SSS, PhilHealth, and Pag-IBIG,” paliwanag ng DOLE.
Kasalukuyan ding nasa iba’t ibang antas ng minimum wage determination process ang regional boards sa Cordillera Administrative Region, MIMAROPA, at Zamboanga Peninsula. RNT/JGC