Home NATIONWIDE NIA, LMP magsasanib-pwersa para sa BBM rice sale expansion sa Abril

NIA, LMP magsasanib-pwersa para sa BBM rice sale expansion sa Abril

MANILA, Philippines- Nakatakdang magsanib-pwersa ang National Irrigation Administration (NIA) at League of Municipalities of the Philippines (LMP) para sa pagpapalawak ng Bagong Bayaning Magsasaka (BBM) rice sale sa bansa.

Layon ng pagsasama ay gawing accessible ang BBM rice sa mas maraming Filipino alinsunod sa food security at affordability targets ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ang BBM rice, nagmula sa lokal na pag-aani ng mga magsasaka sa ilalim ng contract farming ng NIA, ay ibinebenta sa halagang P29 per kilogram sa vulnerable sector kabilng na sa mga senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries.

Sa ulat, sinabi ni NIA Administrator Eduardo Guillen na target ng NIA na makakuha ng memorandum of agreement (MOA) kasama ang LMP sa second quarter.

“End of April po ang target namin. Ayusin po namin [ang] mechanics,” ayon kay Guillen.

Base sa inisyal na MOA draft na ibinahagi sa PNA, kapwa inaasahan ng magkabilang partido na tiyakin ang “sustainable mechanism” para sa food security sa pamamagitan ng pagbili, paggiling at distribusyon ng bigas.

Ang NIA ang ‘in charge’ sa pagbili ng fresh palay mula sa accredited irrigators’ associations (IAs); paggiling ng bigas; at tiyakin na matatag ang suplay para sa municipal local government units (MLGUs).

Para naman sa LMP, tutulungan nito ang MLGUs na maghanda at magpartisipa sa pagbili at pagbebenta ng BBM rice, at maging ang makipag-ugnayan sa kanilang accredited cooperatives para sa mas malawak na retail sales at abnot-kayang price levels, bukod sa iba pa.

“Kung tutulong po ang LMP, isipin po natin sana lahat ng palengke sa ating bansa pwede mong i-access iyan [BBM rice],” ang sinabi ni Guillen.

Sa ngayon, may 25 million kilograms (25,000 metric tons) ng palay na naani sa ilalim ng contract farming ang nagiling na.

Tinatayang, may 4 million consumers mula 217 munisipalidad sa bansa ang nakinabang mula sa BBM rice sale, ayon sa NIA. Kris Jose