Home NATIONWIDE Pilot test ng unified PWD ID system aarangkada sa Hulyo

Pilot test ng unified PWD ID system aarangkada sa Hulyo

MANILA, Philippines- Nakatakdang ikasa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buwan ng Hulyo ang pilot test para sa unified persons with disability identification system.

Matatapat ito sa pagsisimula ng National Disability Rights Week.

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary for International Affairs and Attached Supervised Agencies Elaine Fallarcuna na ang pilot testing ay tatakbo mula July hanggang December 2025, kabilang ang 32 local government units sa buong bansa at saklaw ang 200,000 PWDs.

Inaasahan naman ang ganap na implementasyon sa 2026.

“For the last week of June, since there will be a 90-day period to develop the system, we will present it to the Secretary. And then hopefully, by the time that we will celebrate the National Disability Rights Week, the unified ID system will be launched,” ang sinabi ni Fallarcuna.

Layon ng inisyatiba ang masugpo ang paglaganap ng fake PWD IDs, P88.2 billion ang nawala sa buwis. Inanunsyo ito ng mga opisyal mula sa DSWD, National Council on Disability Affairs, at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isinagawang Philippine Information Agency press conference.

Binigyang-diin ni Fallarcuna na ang inisyatiba ay nakaayon sa commitment ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ayusin ang kapakanan ng mga PWD.

Sa bagong ID system, pagsasama-samahin ang mga advanced security feature gaya ng QR codes at pagkakaugnay sa Philippine Identification System para mapigilan ang unauthorized access sa mga benepisyo.

Ipakikilala rin nito ang self-registration feature at digital ID generation para sa streamlined processing.

Nagtatag naman ang NCDA ng isang Data Management Unit para pangasiwaan ang ID issuance.

Sa kabilang dako, binigyang-diin naman ni BIR Commissioner Atty. Romeo Lumagi Jr. ang financial impact ng mapanlinlang na PWD IDs, binigyang-diin ang maling paggamit na hindi lamang mauuwi sa tax evasion kundi maging kawalang galang sa lehitimong PWDs.

Hinikayat naman nito ang mga establisimyento na iberipikang mabuti ang authenticity ng ID bago pa magkaloob ng discounts.

Sa ilalim ng batas, ang PWDs ay “entitled to a 20% discount on essential goods and services, including medical fees, transportation, and lodging.”

Ang maling paggamit ng mga nasabing benepisyo ay makaaapekto sa kita ng pamahalaan.

Upang suportahan ang implementasyon ng sistema, binuo ang isang technical working group para magplano o magbanghay ng Joint Memorandum Circular sa pagitan ng Department of the Interior and Local Government, DSWD, at Department of Health.

“The NCDA board approved the creation of the technical working group on the development of the policies in relation to the implementation of the unified ID system,” ang winika ni Fallarcuna.

Pangangasiwaan din ng grupo ang pag-amyenda sa administrative order na magsisilbing gabay sa pagpapalabas ng PWD ID.

Layon ng mga hakbang na ito na ibalik ang integridad ng PWD ID system, tiyakin na hindi lamang eligible individuals ang makatatanggap ng benepisyo habang pino-protektahan ang government funds. Kris Jose