Home TOP STORIES Pagpapalakas ng OFWs, libreng pabahay, suporta sa barangay misyon ni Pacquiao

Pagpapalakas ng OFWs, libreng pabahay, suporta sa barangay misyon ni Pacquiao

Trece Martires, Cavite – Muling ipinahayag ni dating Senador Manny Pacquiao ang kanyang pangako sa makabuluhang reporma sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa harap ng libu-libong Caviteño. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga batas na kanyang naipasa at ang kanyang layuning ipagpatuloy ang mga ito sa Senado.

“Ang OFW Handbook Law, ipinasa natin para matiyak na protektado ang ating mga bagong bayani saan man sila magtrabaho sa mundo,” ani Pacquiao, patungkol sa Handbook for Overseas Filipino Workers (OFWs) Act na kanyang isinulong upang mapangalagaan ang karapatan ng mga migranteng manggagawa.

Ipinunto rin ni Pacquiao ang kanyang matagal nang adbokasiya para sa libreng pabahay, isang misyon na kanyang sinimulan noong kanyang boxing career. “Sinimulan ko ‘yan tuwing mananalo ako sa boksing, at itutuloy natin sa Senado upang matiyak na walang Pilipinong walang disenteng tirahan,” pangako niya.

Kinikilala rin ni Pacquiao ang mahalagang papel ng mga opisyal ng barangay sa pag-unlad ng komunidad, kaya’t iginiit niya ang pangangailangang palakasin ang suporta sa kanila. “Sila ang nakakaalam ng tunay na sitwasyon at kalagayan ng ating mga mamamayan. Kailangan silang bigyan ng sapat na suporta upang mas epektibong maglingkod sa kanilang mga nasasakupan,” aniya.

Tiniyak ni Pacquiao na ang kanyang pagbabalik sa Senado ay magbibigay ng konkretong solusyon para sa inklusibong pag-unlad, lalo na para sa mga mahihirap na Pilipino.

“Walang dapat maiwan sa pag-unlad,” pagtatapos niya. RNT